Cardiac Arrhythmia I - Eruditio
Erwin, 22
___________________________________
Pumunta ako kahapon sa isang sikat na unibersidad sa Maynila. Isang letra lang ang pinagkaiba nito sa unibersidad kung saan ako nagtapos. Maganda naman ang unibersidad na pinuntahan ko. Maraming estudyante, lahat maingay at puno ng buhay. Di ko man sila kilala, alam ko na bawat isa sa kanila may pangarap at gustong marating sa buhay. Malaki ang lugar at natitiyak ko na kung wala akong kasama (kaya ako napadpad doon ay sinamahan ko ang aking pinsan na kumuha ng exam permit para makapag test siya doon) ay di ko na ulit makikita ang gate na may karatulang exit.
Nakakamiss mag-aral. Yun agad yung naisip ko pagtapak ko sa lugar na yun. Nakakamiss yung pakiramdam na magbasa ng notes mo (yun eh kung masipag kang magsulat sa klase) o notes ng iyong kaklase. Nakakamiss yung kakain kayo ng mga kaibigan mo sa paborito niyong karinderia, turo-turo, o restaurant kung kabilang ka sa sosyal na circle of friends. Nakakamiss yung mga prof na ubod ng strikto sa klase pero sa labas naman eh mas mabait pa sa kulay kahel na care bear (Friend Bear ang pangalan niya kung sakaling di niyo alam). Nakakamiss yung pagiiscout niyo ng mga kaibigan mo ng mga magaganda o guwapong freshmen (na kadalasan naman eh may mga boyfriend/girlfriend na) tuwing simula ng bagong semestre. Pero higit sa lahat, nakakamiss KA. Oo, ikaw na naman ang naalala ko kahapon.
Sinimulan na ng pinsan ko ang pagpila para makakuha ng permit. Tulad din ng unibersidad na aking pinanggalingan, mahaba at nakakabagot ang pila. Naawa nga ako sa pinsan ko dahil maglulunch time na nung dumating kami doon at tiyak na aabutin siya ng “cut-off” dahil lalamnan muna ng mga nagtratrabaho sa registrar ang kanilang mga sikmura bago ulit simulan ang kanilang trabaho. Hinatid ko na ang pinsan ko sa dulo ng pila (na sa aking estima ay pitong metro ang layo mula sa pinto ng registrar). Parang larong snake yung pila at isa na yung pinsan ko sa nagsilbing snake food para lalo itong humaba. Wala pang isang minuto eh limang tao na ata agad ang nakadikit sa likod ng pinsan ko at tuluyan na ring nakain ng snake.
Dahil kumakapal na ang bilang ng tao sa area ng registrar ay nagpasya akong umalis muna at maghanap ng makakinan. Bibilhan ko na lang ang aking pinsan at dadalhan siya ng pagkain sa pila pagkatapos kong mananghalian. Dumidilim na ang kalangitan nuon at tila nakikisimpatya sa mga malulungkot na alaala na unti-unting pumapasok sa aking kamalayan. Mayaman sa samu’t-saring pagkain ang “Food Grounds” ng nasabing unibersidad. May tindahan ng footlong, hamburger, tacos, at iba pang mga pagkain na tiyak na ikatataas ng kilay ng iyong nanay o ng sino mang conscious sa cholesterol intake. Siyempre di din mawawala yung mga nagtitinda ng masasarap na lutong bahay. Andiyan yung adobo, kare-kare, pakbet, at iba pa. Nung nakita yung chicken curry muntik na akong sumigaw ng “Eureka!” sa kinatatayuan ko. Isa sa paborito mong kainin yun diba? Habang kinakain ko ang chicken curry (na nabawasan ata ang sarap simula ng di na tayo sabay kumakain) ay nagmasid-masid ako sa paligid. Kumpol ang tao sa pizza stall sa gawing kanan ko. Tanda ko na ayos sayo ang pagkain ng pizza basta huwag lang hawaiian flavor kasi ayaw mo ng inihahalo ang pinya sa mga pagkain (pero kumakain ka naman ng pinya, basta stand alone siya). Nakakita din ako ng stall na nagtitinda ng hamburger at agad kong naalala kung gaano kasarap ang mga ginagawa mong hamburger patties na inuulam natin kapag may sobra tayong pera. Di ko malilimutan ang masarap na sauce na lagi mong ginagawa para mas gawang espesyal na ulam ang mga hamburger patties.
Binalikan ko na ang aking pinsan bitbit ang kanyang tanghalian (ham, itlog at sinangag ang binili ko kahit alam kong lagpas na ang oras ng umagahan). Mahaba pa rin ang pila. Umusad naman kahit papaano ang puwesto ng aking pinsan. Kung kanina ay mga 7 meters ang layo niya mula sa pinto ng registrar’s office, ngayon ay 6.5 meters na lang. Di pa din ata tapos kumain ang mga nagtratrabaho sa registrar kaya tila naka-pause ang mahabang snake sa labas na area ng registrar. Mahinang ngiti ang isinalubong ng aking pinsan noong nakita niya ako. Biniro ko siya at sinabing, “Malapit ka na!”
Tulala halos lahat ng nasa pila. Karamihan sa mga nasa pila ay nakatingin sa kalangitan. Piangmamasdan ang tuloy tuloy na pagdilim nito. Malapit na ata umulan, lumalakas na rin ang hangin. Kasabay nito ang dahan dahan kong nabatid na wala na pala akong papayungan (bukod sa masaklap na katotohanan na tumuloy kami ng pinsan ko sa lakad na ito na walang dalang payong).
At umulan na nga. At kung anong nilabo ng mga salamin sa cafeteria (dahil sa pag-ulan) na di kalayuan sa amin ay siya namang paglinaw ng iyong alaala. Iba iba ang reaksyon ng mga tao sa unibersidad sa ulan. Merong tila nanirahan sa desyerto at ngayon lang nakatikim ng tubig ulan. Merong mga hydrophobic at parang tanga lang na iniiwasan ang mga patak ng ulan. Pero ang pumukaw ng atensyon ko ay yung magsyota na naglalakad sa ulan. Hindi mabagal pero hindi rin naman mabilis ang kanilang mga hakbang. Yung lalake pinoprotektahan ang ulo ng kanyang kasintahan gamit ang isang plastic folder. Nakaakbay ang lalake sa babae at sa aking palagay ay bagay na bagay ang dalawa. Oo na, naingit ako. Naingit ako kahit na kasama ako sa 10% ng mga boyfriend na hindi alam paano ang tamang pagpapayong para sa kanilang mga . Naingit ako kahit na alam kong kapag pinapayungan kita eh tiyak na matatalsikan kita ng putik sayong mga paa dahil sa kakaibang uri ko ng paglalakad. Isang mabilis at maputing flash ng ilaw ang bumalot sa unibersidad at alam ko na isang nakabibinging kulog ang hahabol doon. Sapat na kaya ang tamaan ako ng kidlat para makabawi sa mga kasalanan ko sayo? Hindi pa siguro.
Unti unti na ring nagkaroon ng pagusad sa mahabang snake na patungo sa registrar’s office. Slowly but surely ika nga nila. Nasabi ko tuloy sa sarili ko na buti pa yung pila, umusad. Ako naman ay di na nakaalis alis sa pinagiwanan mo sa akin. Di ako galit sayo. Naiinis siguro pero hindi galit. Malapit na ang aking pinsan sa pinto ng registrar matapos ang humigit kumulang na isang oras at kalahati. Noong nakapasok na siya sa loob ay tsaka ko lang napansin ang mga poster at mga mensahe na nakadikit sa bulletin board ng unibersidad. Mga mensahe ukol sa pagpapababa ng matrikula at pagpapabuti sa kalidad at sistema ng edukasyon sa nasabing lugar. Yung mga salita sa papel kasama na rin yung mga taong nagsayang ng brain cells at pawis ang pinaka kinainggitan ko sa araw na yun. Buti pa sila may ipinaglalaban. Marunong lumaban. Samantalang ako di na nga marunong lumaban na wala pa yung pinaglalaban.
Natapos na ang pinsan ko sa pagkuha ng permit at wala na kaming inaksayang panahon para magtagal sa lugar na iyon. Mahirap na magtagal dun, sa bawat pasilyo at sulok ay maaalala lang kita. Pero alam mo miss na miss na kita.
Niyaya ako ng pinsan ko sa Taguig, sa Market! Market! daw. Pumayag agad ako. Alam ko kasi may maliit na tiyansang makita kita doon. Malay mo naman di ba? Baka. Siguro. Kung bakit naman kasi dalawang letra lang ang pagkakaiba ng siguro sa sigurado.
********************************************************************
Ang salaysay na ito ay maaring base sa totoong mga pangyayari o maari rin namang produkto lang ng malikot na imahinasyon ng may-akda. Anu mang pagkakahalintulad sa mga tunay na pangyayari ay baka inosenteng aksidente lamang o isang marahas na pasadya ng nagsulat.
Ang Cardiac Arrhytmia ay serye ng mga salaysay tungkol sa pinakamisteryosong bagay sa mundo, (Oo, kahit 21st Century na at nageexist na si Siri ay wala pa din makakuha ng tiyak at eksaktong kahulugan nito) ang PAG-IBIG.


