Cardiac Arrhythmia II - Sipnayan

Tristan, 18
___________________________________
WHAT IS THE VALUE OF X?
Tinignan ko ang papel, na naglalaman ng nasabing katanungan, na nasa aking harapan. Parang windings ata ang font kaya hindi ko maintindihan. Pero tatlong bagay lang naman ang di ko maintindihan sa mundong ito. Una ay bakit ginawa ang Windings na font (baka may mag magaling at sabihing igoogle ko, ang masasabi ko lang eh potek masama na ba magtanong? Lahat ba nasasagot ng lecheng Google na yan!?!?). Sunod ay ang subject na Math. At huli, ikaw.
Kasalukuyan akong nageexam ngayon sa Math [insert preferred number here] at last chance ko na ‘to para makapasa sa subject na to. Simple lang naman ang tanong, hanapin ko daw si “x”. Ngunit sa di maipaliwanag na kadahilanan ay ikaw ang nahanap ng aking mga brain cells. Bakit ikaw? Bakit ikaw ang iniluluwa ng utak ko gayong pilit na kitang sinisiksik sa sulok ng maliit kong utak? Bakit ikaw ang nagpipilit na maging sagot dito sa tanong na ‘to?
Halos kalahating taon na rin ang nakalipas simula noong maghiwalay tayo. Kalahati na din halos lahat ng bagay sa akin pagkatapos noon. Kalahating determinasyon, kalahating tapang, kalahating ngiti, kalahating dahilan para bumangon sa umaga, kalahating katwiran para magayos ng sarili, at kalahating rason para umasa at maniwalang muli sa pag-ibig.
Ang nakakainis pa dun eh hindi man lang ata ako nakapagpaalam ng maayos sayo. Totoo, parang telenovela lang yung huling eksena sa pagitan nating dalawa. Yung isa pilit na tumatakas palayo samanatalang yung isa eh pinipilit ituwid lahat ng maling desisyon niya kahit alam niyang huli na ang lahat. Alam mo bang lumingon ulit ako noong tumakbo ka na papalayo sa akin? Yun na yung huli kong nakita sayo, yung likod mo at yung suot mong black and white na dress.
Kahit sinusubukan kong kalimutan ka eh araw-araw akong umaasa na makikita kitang muli. Parang paghahanap ng “x” sa math problem, ang paghahanap ko sayo eh matrabaho at mahirap. Meron akong cell phone number mo pero di ko alam kung nagpalit ka na ba ng number mo o ayaw mo lang talaga akong kausapin (at ang araw-araw kong pampalubag-loob sa sarili ay ang dahilang hindi ka pa handang kausapin muli ako o wala ka pang magandang masasabi sa akin). Pwede ring wala lang signal ang mga lugar na pinupuntahan mo kaya laging operator ang nakakausap ko.
Isa pa sa subok (ngunit di mabisa) na paraan sa paghahanap ng “x” ay trial and error. Pero tulad din ng trial and error, matagal bago makita ang “x” o ang sagot na hinahanap mo. Mabilis kung maswerte ka o kung niloloko mo lang ang sarili mo (alam mo na yung sagot pero nagtritrial and error ka pa din). Marami (para sa akin) na akong ginawa at sinubok na paraan para lang makita o makausap man lang kita. Nakakatawa na sa panahon ngayon (andiyan ang facebook, twitter, tumblr, etc at sigurado ako na meron kang account sa unang tatlong social networking sites na nailista ko) eh nagawa mong umiwas sa akin. Kahit anong boolean operators ang ilagay ko sa tabi ng pangalan o mga salitang may kaugnayan sayo eh hindi ka nagpapakita sa mga inililistang website ni pareng Google. Kasabwat mo ata siya kaya madali kang nakakapagtago sa akin. Sabi nga nila, mahirap hanapin ang ayaw magpakita.
Bakit nga ba kita sinusubukang mahanap? Tulad ba ng “x” na kailangan kong hanapin ngayon ang paghahanap ko sa iyo? Required dahil kung hindi kita mahanap wala akong puntos? Sino naman ang nagrerequire sa akin? May teacher/professor/instructor ba sa relasyon natin na nagbibigay ng puntos sa bawat kilos at galaw nating dalawa? Hindi naman required at lalong walang teacher/professor/instructor na nagdidikta ng mga dapat gawin at hindi natin gawin. Siguro kaya lang kita hinahanap kasi may mga bagay pa akong lilinawin sayo. May mga salita pa akong gustong ibahagi at iparinig sayo.
Para ding paghahanap ng “x” na kahit na gaano kahirap ang mga solusyon na dapat gawin upang mahanap ang kahulugan o value nito, oras na masagot mo ito ay nakakadagdag sa pangkalahatang karanasan ng isang tao. Kumbaga pag nasagot mo ang simpleng tanong na iyon (lalo na kung mahirap yung solution para sa problem na iyon) eh tiyak na mapapangiti ka at madadagdagan ang kompiyansa mo sa sarili mo. Masasabi mo na “Kaya ko pala ‘to!”. Gusto din kitang mahanap para kahit papaano maramdaman mo naman na pinaghihirapan at pinaglalaanan kita ng oras. Di gaya ng dati na sinayang ko lang lahat ng chances na binigay mo sa akin at binalewala ang oras at pagmamahal na binigay mo sa akin. Isa akong malaking tanga at hangal para siguraduhin sa iyo na kaya kong mawala ka sa buhay ko. Maniwala ka man o hindi araw-araw kong pinagsisisihan lahat ng nasabi at ginawa ko tatlong buwan bago tayo tuluyang magkahiwalay. Mali ako. Tama ka. Subalit ang lahat ay tapos at nakalipas na.
Kung tutuusin eh mabubuhay pa rin naman ako kahit di kita makita uli pero alam mo yung pakiramdam minsan yung mga simpleng bagay pa ang magbibigay sayo ng higit at di maipaliwanag na kasiyahan? Ganoon yata yung gusto kong maramdaman. Kahit papaano man lang eh makabawi sayo, kahit papaano man lang maramdaman mo na naging espesyal ka sa akin, at kahit papaano man lang eh malaman mo na talagang minahal kita ng buong puso ko at kaluluwa.
Pitong minuto na lang ang nalalabi at nangangalahati pa lang ako sa pagsagot dito sa math problem na ito. Pitong minuto na lang ang nalalabi pero ikaw pa rin ang nasa isip ko. Gaya ng “x” sa papel ko, susubukan ko mapatrial o error man o iba pang paraan na mahanap ka. Pag nakita na uli kita alam ko na ang value mo. Pag nagkita na uli tayo hindi ka na mawawala sa akin kasi alam ko na ang solution para hanapin ka muli. Pero dahil hindi pa kita nahahanap ay gagawin ko muna ang palagi kong ginagawa kapag di ko alam ang sagot at malapit nang matapos ang oras. Dali dali kong sinagutan ang papel base sa kung ano ang sa tingin ko ay tama habang sinasambit ang mga salitang, “Bahala na”.
********************************************************************
Ang salaysay na ito ay maaring base sa totoong mga pangyayari o maari rin namang produkto lang ng malikot na imahinasyon ng may-akda. Anu mang pagkakahalintulad sa mga tunay na pangyayari ay baka inosenteng aksidente lamang o isang marahas na pasadya ng nagsulat.
Ang Cardiac Arrhytmia ay serye ng mga salaysay tungkol sa pinakamisteryosong bagay sa mundo, (Oo, kahit 21st Century na at nageexist na si Siri ay wala pa din makakuha ng tiyak at eksaktong kahulugan nito) ang PAG-IBIG.


